kilala ko ang sarili ko-
yan ang palagiang pinagpipilitan.
alam ko kung ano ang gusto ko
at kung hanggang saan ang kakayahan.
ngunit pagtingin ko sa salamin
di kilala ang bumungad sa ‘kin.
madilim ang mga mata, hulog ang mukha,
kunot sa noo’y waring permanente na.
sino ba itong nakakatitig sa akin?
mga mata’y nagsasabi ng ayaw sabihin,
malungkot pero kailanman di inamin,
ngiti’y huwad, tawa’y di kayang damhin.
pero sino na nga ba ako?
ano ang silbi ko sa pariwarang buhay na ito?
saan nanggagaling ang mga luhang
ngayo’y umaagos sa maputlang mga pisngi ko?
nagngingitngit sa isipan kung bakit
ang buhay na ito’y may kakambal na pasakit;
bakit nga ba ako walang kakayahang isiwalat
ang laman ng puso kong balot ng mga sugat?
marahil hindi ko nga kilala ang sarili ko,
ni hindi ko alam kung sinong nasa harap ko.
hindi ko alam kung ano ang gusto ko,
hindi ko nga maamin kung hanggang saan lang ako.
kaya sa susunod na pagtingin sa salamin,
ang imaheng bubungad akin ay kikilalanin.
ako iyon, ako lang at wala nang iba,
siguro nga ang sarili ko’y di ko kilala.