nakakunot na naman ang noo mo.
siya na naman ba ang may kagagawan?
parang puro pasakit na lang
yata ang dulot sa ‘yo ng taong iyan.

idaan na lang natin sa inom,
o kanta o kape o kahit na anong
gusto mong gawin habang paulit-ulit
mong sinasambit ang iyong tanong.

bakit ganun siya? hindi namin alam.
kung ikaw nga na mas nakakakilala
na sa kanya ngayon, hindi mo alam,
kami pa kayang nagmamasid na lamang?

ilang buwan na rin ang nagdaan
sa sobrang dami na rin ng nangyari
nagkandaloko-loko na ang lahat ng bagay,
mahirap na silang pagtagpi-tagpiin.

malungkot na naman ang iyong mga mata
siya na naman ba ang dahilan?
kungsabagay ay siya naman ata ang pinagmulan
ng lahat ng sakit na iyong nararamdaman.

tapos na kaming pangaralan ka,
kahit paulit-ulit man naming hilinging
mauntog ka na sa pader at magising
sa katotohanang nakabalandra sa harap mo…

…ikaw lang naman ang maaaring
tumapos ng lahat di ba? di ba?
ikaw lang naman ang maaaring magsabi
ng “tama na, ayoko na”, di ba?

kaya sige, patuloy na lang muna kaming
magmamasid at mapipilitang umasa
na sana ay matutunan mo na ang dapat
matutunan sa karanasan mong ito.

o, ano ba? nakakunot na naman ang noo mo.
siya na naman ba ang may kagagawan?
parang puro pasakit na lang
yata ang dulot sa ‘yo ng taong iyan.

tama na, kalimutan mo na muna,
nandito naman kami sa tabi mo.
tahan na, sayang lang ang luha,
kami na lang muna ang sasalo sa yo.

v2.0.
revision history : 1:09 PM 1/8/2006