• HOME
  • JOURNAL
  • CONTACT

kilcher04.net | journal

Category Archives: Project Tagalog

Wala Na Nga

13 Tuesday Dec 2005

Posted by kilcher in Poetry, Project Tagalog

≈ Leave a Comment

maiba man ang usapan,
mapatawa man nang kahit kaunti,
ngunit nakaturok na ang mga karayom,
libo-libong nagpapaparamdam
ng hindi mapawing hapdi.

hanggang kailan kakayanin –
hanggang kailan pa aasa ?
ngunit ano nga ba ang
dapat pang aking kayanin?
para saan nga ba ako aasa?

sabihin mang parang ganun
parang ganyan pa rin ang lahat,
hindi maipagkukunwaring
baka hindi na ulit magbalik
ang lahat ng bagay sa dati.

hanggang saan? hanggang kailan?
mayroon nga bang talagang
nakapangakong hangganan?
kung mayroon man, nasaan?
sabihin mo sa kin kung nasaan.

Kung Alam Ko Lang Sana

15 Friday Apr 2005

Posted by kilcher in Poetry, Project Tagalog

≈ Leave a Comment

matagal ko na ring sinuri,
binali-baligtad ang sarili,
ngunit hindi ko mahanap ang kasagutan
sa mga nagawa sa ‘king nakaraan.

buwan at taon na ang binilang
ngunit hindi ko pa rin alam,
anong nag-udyok sa aking
biglang maglaho nang walang paalam?

nagawa na ngunit para ba saan
ang paulit-ulit na paghingi ng paumanhin?
gawaran mo man ako ng kapatawaran
di rin naman maiwasang usisain.

sana alam ko na ang isasagot
sa kung bakit at ano nga ba ang nangyari.
umasa kang alam ko ang sakit kong dulot
kaya paumanhin ay patuloy pa ring hinihingi  E

 Eat umaasang lahat ay magbalik sa dati.

Imbisibol

13 Wednesday Apr 2005

Posted by kilcher in Poetry, Project Tagalog

≈ Leave a Comment

sa tagal ng panahong
hindi tayo nag-usap,
hanggang ngayon pa rin ba
wala ka pa ring pakialam?

mga mata mo’y malayo
kung tumingin, animo’y diretso
ngunit hindi mo ako nakitang
nag-aabang sa harapan mo.

kailanma’y di mo naramdaman
ang presensiya ko sa tabi mo;
ni hindi ka nga kumurap
noong ako’y umalis at nagpakalayo.

ang tagal ng panahon
ngunit di ka pa rin nagbago.
isipan mo’y nanatiling nakakahon
wala nang dahilan para umasa pa ako.

dahil ang mga mata mo’y diretso,
sa akin lumulusot ang tingin mo.
wala namang epekto kung aalis ako,
di mo mararamdamang wala na ako.

Salamin Salamin Sabihin Sa Akin

13 Wednesday Apr 2005

Posted by kilcher in Life Oh Life, Poetry, Project Tagalog

≈ Leave a Comment

kilala ko ang sarili ko-
yan ang palagiang pinagpipilitan.
alam ko kung ano ang gusto ko
at kung hanggang saan ang kakayahan.
ngunit pagtingin ko sa salamin
di kilala ang bumungad sa ‘kin.
madilim ang mga mata, hulog ang mukha,
kunot sa noo’y waring permanente na.
sino ba itong nakakatitig sa akin?
mga mata’y nagsasabi ng ayaw sabihin,
malungkot pero kailanman di inamin,
ngiti’y huwad, tawa’y di kayang damhin.
pero sino na nga ba ako?
ano ang silbi ko sa pariwarang buhay na ito?
saan nanggagaling ang mga luhang
ngayo’y umaagos sa maputlang mga pisngi ko?
nagngingitngit sa isipan kung bakit
ang buhay na ito’y may kakambal na pasakit;
bakit nga ba ako walang kakayahang isiwalat
ang laman ng puso kong balot ng mga sugat?
marahil hindi ko nga kilala ang sarili ko,
ni hindi ko alam kung sinong nasa harap ko.
hindi ko alam kung ano ang gusto ko,
hindi ko nga maamin kung hanggang saan lang ako.
kaya sa susunod na pagtingin sa salamin,
ang imaheng bubungad akin ay kikilalanin.
ako iyon, ako lang at wala nang iba,
siguro nga ang sarili ko’y di ko kilala.

Estranghero

19 Saturday Mar 2005

Posted by kilcher in Life Oh Life, Poetry, Project Tagalog

≈ Leave a Comment

hindi kita kilala
ngunit kahugis kita ng mukha.
sino ka na nga ba?
silakbo sa dibdib ay waring iba.

isa ka lang estranghero,
bakit ganoon na lang ang epekto?
poot, galit, naipong sama ng loob,
pagkamuhi’y di na kayang makubkob.

tunay na nakakapagtaka
di mo rin naman ako kilala, di ba?
wag nang isama sa usapan ating dugo,
lukso ng dugo; dugo ko’y kumukulo.

saan ba kita nakilala?
dati na ba kitang nakasalamuha?
di kita kilala, huwad na ama,
wala na ring balak kilalanin ka.

march 19, 2005
2153H

Kakaibang Lungkot

06 Sunday Mar 2005

Posted by kilcher in Life Oh Life, Project Tagalog

≈ Leave a Comment


kilcher

kakaibang lungkot ang bumabalot sa akin ngayon. kakaibang pakiramdam na hindi ko mawari kung saan nagsimula at kung ano ang dahilan. may isang prominenteng kawalan ang nagbabadyang lumamon sa natitirang hibla ng kasiyahan na nitong mga nakaraang araw lang ay aking pinanghawakan.

kakaibang lungkot itong unti-unting tumutupok sa akin. at hindi ko maintindihan kung ano ang implikasyon nito. nag-ipon-ipon na rin siguro. pagod, sakit, mga problemang hindi ko napapansin, ang pagbaba ng tingin ko sa sarili ko bigla. yun at iba pang bagay na unti-unting humihila sa akin pababa.

nakakatawa. nitong mga nakaraang araw iniisip kong magsulat ng isang masayang entry kasi panay na lang senti ang mga sinusulat ko. isang masayang entry lang, pwede na. sinubukan kong gumawa noong isang araw.

pero ang siste, puro kamalasan na lang ata ang inabot ko. ngayon, iniisip ko na parang ang lahat ng mga bagay sa buong mundo nagtutulong-tulong para hindi ako maging masaya. umaga pa lang ng biyernes, late na ako nagising. late na nga, nauntog pa ko sa banyo. late na nga, ang tagal pang dumating ng fx papuntang morayta. pagdating ko sa review center, nakakainis at math pa ang exam, wala na naman akong alam. kinagabihan kela rhea, nagswimming pa ko sa semento at natakot akong baka napilay ang siko ko. siyempre, hindi maaaring hindi sumakit ang kanang hinlalaki ko. buong buhay ko na ata sasakit yun eh. buong katawan ko ata mababali na. ang saya-saya, di ba?

nagtuloy-tuloy pa hanggang sa susunod na araw ang kamalasan.iniisip ko tuloy, the whole universe must’ve been conspiring against me. naramdaman kong wirdo yung araw na yun. maraming mangyayaring masama. at oo nga, tumpak. ilang minuto sa first quarter ng laro namin, umikot ako nang mali at sa isang iglap, biglang nag-iba ang position ng paa ko at bigla itong nag-fold. bagsak ako siyempre. sino ba naman ang hindi mapapaupo nun? pusanggala, sprain na naman. lahat na lang ng laurin ko may nangyayari sa akin. magchess na lang kaya ako?

pero hindi yun yun eh. hindi naman ako naapektuhan talaga ng mga sakit sa katawan. hindi naman ata yun ang dahilan kung bakit para akong nakalubog sa kawalan ngayon. at hindi ko na to maintindihan. pero siguro nga kasi ganun ang buhay. akala mo ayos ang lahat, akala mo walang problema. pero wag ka, bigla na lang may mangyayaring mali at sunod-sunod na yan, parang domino. isang pangyayaring sa tingin mo ay trivial lamang, isang maliit na bagay ang makakapagsimula ng pagguho ng mundo mo. at bago mo pa madiskubreng sira na pala ang mundo mo, tapos na, gumuho na ito.

kakaibang lungkot. pero siguro kasalanan ko naman ang lahat. oo, pakiramdam ko parati kasalanan ko ang lahat. kung nalulungkot man ako ngayon, siguro dahil hindi sapat lahat ng mga ginagawa ko. kung nasasaktan man ako ngayon, siguro nga kagagawan ko rin naman to eh. kung pakiramdam ko nag-iisa ako, dahil na rin siguro naiiwan ko ang mga taong parating nariyan para sa akin. kung pakiramdam ko wala akong kakampi, siguro dahil hinayaan kong lumayo ang mga parating kumakampi sa akin. kung pakiramdam ko galit sa akin ang buong mundo, malamang lang may ginawa akong masama para magalit ang lahat sa akin.

kakaibang lungkot. kakaibang lungkot ang bumabalot sa buo kong katauhan. kakaibang pakiramdam na hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin at kung ano ang pinagmulan ng lahat ng ito.

kakaibang lungkot ngunit ano nga ba ang aking magagawa? kung sapat lang ang sorry, kung sapat lang ang pagpapakumbaba. kung sapat lang ang panalanging sana ang mga bagay-bagay na mali ay hindi ko na magawa. kung sapat lang talaga, hindi naman magkakaganito. kung sapat na nga ang mga yun, mapapawi naman ang kakaibang lungkot na ito. kung sapat lang sana… kung sapat lang sana pero sa tingin ko hindi yun papasang “pwede na”…kung sapat lang sana hindi ako ngayon parang nag-iisa…

Newer posts →

Social Network

Recent Comments

  • kilcher on t minus 2 weeks
  • meema on t minus 2 weeks
  • kilcher on Maybe Either, Maybe Neither, We Just Don’t Know
  • maytoio on Maybe Either, Maybe Neither, We Just Don’t Know
  • Andi on Desktop as of 2011.06.30

Calendar

July 2025
M T W T F S S
 123456
78910111213
14151617181920
21222324252627
28293031  
« Feb    

Proudly powered by WordPress Theme: Chateau by Ignacio Ricci.