• HOME
  • JOURNAL
  • CONTACT

kilcher04.net | journal

Category Archives: Project Tagalog

RollBack

29 Saturday Dec 2007

Posted by kilcher in Poetry, Project Tagalog

≈ Leave a Comment

Unti-unti na akong nakakawala
sa sumpang kalungkutan ng iyong paglisan
Unti-unti, dahan-dahan, natatanggap na
ang lahat ng iyong kadahilanan.

Malapit na matapos ang mga gabing
maaalimpungatan at magigising na lamang
na basa ng walang-katapusang luha ang mga matang
mugto at sanay na sanay na sa pag-iyak.

Ngunit bakit kaunting salita lamang
mula sa iyo, mga salitang hindi inaasahang
manggagaling pa sa iyo, mga pariralang hindi
ko na inisip pang iuugnay mo sa akin  E/em>

Kaunting salitang pinipigilan kong
tumagos nang tuluyan sa nagdurugo kong puso,
mga salitang humihiwa, sumasaksak, lumalapastangan
sa damdaming mula noon pa’y iningatan na laban sa yo.

Unti-unti na akong nakakawala mula sa yo
ngunit parang naghagis ka ng tali at ako ay nasilo
na naman, na naman, wala na yatang katapusan
babalik na naman ako sa mga gabing balot ng kalungkutan.

———— E

ROLLBACK – a term used in transaction processing that cancels a proposed transaction which modifies one or more tables and undoes changes, if any, made by the transaction before a COMMIT or COMMIT TRANSACTION SQL statement.

Naliligaw

18 Tuesday Dec 2007

Posted by kilcher in Poetry, Project Tagalog

≈ 1 Comment

hindi ko alam kung papaanong nakarating ako
sa mundo mo kung saan ang mga kaluluwang
katulad ko ay wari’y may nakatakdang espasyo.

hindi ko maintindihan kung papaanong nabihag
ng mga salitang iyong isinusulat ang pariwarang
puso kong takot sa kahit na anong hindi pamilyar.

sana sana maramdaman mong may naliligaw
sa mundo mo, naghihintay, nagmamasid, umaasang
sana sana ikaw naman ang maligaw sa mundo ko.

Walang Pamagat

12 Wednesday Dec 2007

Posted by kilcher in Poetry, Project Tagalog

≈ Leave a Comment

marahil masalimuot ang mundong kinabibilangan niya
madalas ang away, walang humpay ang gulo.

marahil dapat protektado siya ng kinalalagyan niya
ngunit para itong isang bilangguang kumakahon,
sumasakop, sumusukob, pumipigil…

marahil inilalayo lamang siya sa panganib
ng mga taong nag-aalala, ng mga taong nagmamahal…

marahil dapat manatili na lamang muna siya
sa kung saan siya ay malayo sa nagbabanggaang bato
ngunit nais niyang magpumiglas, nais niyang makawala.

dahil para sa isang taong nasa loob ng hawla,
wala ng iba pa mang konsepto ng tama
kundi ang minimithing paglaya.

Minsan Ka Ring Naging Gago

11 Tuesday Dec 2007

Posted by kilcher in Poetry, Project Tagalog

≈ Leave a Comment

minsan akala mo maayos kang tao
hanggang maipaalala nila sa iyo
na dumaan ka rin sa pagiging gago.

minsan ang alam mo wala kang nasaktan
ngunit babalik-balikan ka ng nakaraan
na puno ng mga taong iyong napaglaruan.

minsan iniisip mo kung gumaganti
nga lang ba ang tadhanang nanggagalaiti,
bumabawi para sa kasalanan mo dati.

minsan inaamin mong oo nga mali ka
kulang na lang manliit ka na sa hiya
ngunit kahit anong gawin ay kulang pa.

minsan iniisip mong bumalik ng panahon
nang makawala ka sa imaheng sa yo’y kumakahon
at baguhin ang lahat na sa gusto mo umayon.

minsan akala mo mabuti kang tao
hanggang sumagi na lang bigla-bigla sa isip mo
na oo nga, dati-rati isa ka ring gago.

minsan, minsan, sana sumagi sa isipan mo
na wala nang magagawa ang pagmumukmok para dito,
dahil tapos na, napakatagal naman na nito.

minsan, minsan, ito na lamang ang isipin:
isa itong pagkakamaling hindi na dapat ulitin
dahil tapos na, wala nang dapat pang sabihin.

para sa lahat ng mga nasagasaan ko nung mga panahong hindi ko naiintindihan ang pinaggagawa ko, ako ay humihingi ng paumanhin. wala akong mabibigay na paliwanag kung bakit ko nagawa ang bagay na iyun at kung bakit ba ako ganito. marahil gasgas na ang litanyang “eh ganun kasi talaga eh” kaya hindi ko na ito gagamiting dahilan.

Darating Rin

06 Thursday Dec 2007

Posted by kilcher in Poetry, Project Tagalog

≈ Leave a Comment

darating ang panahong hindi ka na manghihinayang
at hindi na masasaktan kapag naiisip ang nakaraan.
darating ang panahong kahit biruin ka niya tungkol dito
ay wala ni isang bahid ng pait kang mararamdaman.

darating rin ang panahong hindi na kailangang
mag-isip ng kung anu-anong pampalubag-loob.
darating rin ang panahong iisipin mo na ang lahat
ay hindi puro kalungkutan ang nakasukob.

darating rin ang panahong maluwag sa loob mo
ang magsabing, “ganun nga kasi talaga siguro yun”,
dahil siguro sa panahong iyun, wala ng pagsisisi,
wala ng poot, wala na, wala na, malaya na.

ngunit hindi pa iyun ngayon, hindi pa,
ngayon puno ka pa ng mga alinlangan.
marahil nasa may kalayuan pa at mahirap tanawin,
at kung kailan ito dadating ay walang kasiguruhan.

pero huwag kang mag-alalala, huwag mainip,
matatapos din ang pag-iyak mo ng buong magdamag.
dahil dadating ang panahong lalaya ka rin,
halika, sasabayan kitang ito’y hintayin.

Nande?!

06 Wednesday Jun 2007

Posted by kilcher in Poetry, Project Tagalog

≈ Leave a Comment

Bakit ang mga problema sabay-sabay kung dumating?
Ni walang pasabi, ni hindi ka makakapaghanda.
Bigla ka na lang babagyuhin ng walang kalaban-laban.

Bakit ang mga problema walang patawad kung umatake
Walang tigil, walang awa, walang alinlangan,
Hanggang sa tumigil ka na lang at di na lumaban.

* Nande – why

Hanggang Kailan?

21 Tuesday Nov 2006

Posted by kilcher in Poetry, Project Tagalog

≈ Leave a Comment

lahat ng tao, may hangganan
wari’y lubid na kahit anong tibay
ay mapipigtas din.

hanggang saan dadalhin
hanggang saan aabot
wala na nga bang katapusan?

– saan pang sulok susuksok?
hanggang anong klase pang
pagpapakasalimuot?

lubog na nga’t nagpapalunod pa
imbes na labanan ang agos
nagpapatianod na lang.

lahat nga ng tao, lahat
mayroong hangganan.
ngunit hanggang saan?
hanggang saan?

lahat ng bagay may kanya-
kanyang takdang katapusan.
ngunit hanggang kailan?
hanggang kailan?

Kakaibang Lungkot

20 Friday Oct 2006

Posted by kilcher in Poetry, Project Tagalog

≈ Leave a Comment

Pambihira.
Kaya nitong sakupin
ang buo kong pagkatao.
Sumasabay rin ito,
wari’y itinutulak ako
habang pinipigil ko ang
padausdos na pagkakatihulog.

pagkatihulog? pagkahulog?
mali yata yan. ang tawag
dito ay pagkalaglag,
pabilis nang pabilis
na pagkalaglag sa kawalang
di ko mawari kung may katapusan.

kakaibang lungkot.

pambihira. makapangyarihan.
kayang tabunan ang araw
mula sa aking mga mata,
kayang tumupok sa katiting
na pag-asang unti-unti na
rin namang nawawala.

ngunit nahuhulog, nalalaglag,
ano nga bang pinagkaiba?
pareho namang pabulusok pababa;
hinihila sabay itinutulak nitong
sumasakop na lungkot na kakaiba.

pambihira.
kakaibang lungkot talaga.

Na Naman

08 Sunday Jan 2006

Posted by kilcher in Poetry, Project Tagalog

≈ Leave a Comment

nakakunot na naman ang noo mo.
siya na naman ba ang may kagagawan?
parang puro pasakit na lang
yata ang dulot sa ‘yo ng taong iyan.

idaan na lang natin sa inom,
o kanta o kape o kahit na anong
gusto mong gawin habang paulit-ulit
mong sinasambit ang iyong tanong.

bakit ganun siya? hindi namin alam.
kung ikaw nga na mas nakakakilala
na sa kanya ngayon, hindi mo alam,
kami pa kayang nagmamasid na lamang?

ilang buwan na rin ang nagdaan
sa sobrang dami na rin ng nangyari
nagkandaloko-loko na ang lahat ng bagay,
mahirap na silang pagtagpi-tagpiin.

malungkot na naman ang iyong mga mata
siya na naman ba ang dahilan?
kungsabagay ay siya naman ata ang pinagmulan
ng lahat ng sakit na iyong nararamdaman.

tapos na kaming pangaralan ka,
kahit paulit-ulit man naming hilinging
mauntog ka na sa pader at magising
sa katotohanang nakabalandra sa harap mo…

…ikaw lang naman ang maaaring
tumapos ng lahat di ba? di ba?
ikaw lang naman ang maaaring magsabi
ng “tama na, ayoko na”, di ba?

kaya sige, patuloy na lang muna kaming
magmamasid at mapipilitang umasa
na sana ay matutunan mo na ang dapat
matutunan sa karanasan mong ito.

o, ano ba? nakakunot na naman ang noo mo.
siya na naman ba ang may kagagawan?
parang puro pasakit na lang
yata ang dulot sa ‘yo ng taong iyan.

tama na, kalimutan mo na muna,
nandito naman kami sa tabi mo.
tahan na, sayang lang ang luha,
kami na lang muna ang sasalo sa yo.

v2.0.
revision history : 1:09 PM 1/8/2006

Musings of a Destined Failure

19 Monday Dec 2005

Posted by kilcher in Poetry, Project Tagalog

≈ Leave a Comment

Palpak ka na naman.
Kailan pa ba magbabago yan?
Parang lahat na lang ng bagay sa mundo
Pakiramdam mo ikaw ang dahilan.

Kung hindi ka sana nagiging tanga,
Kung hindi ka sana puro sarili na lang.
Eh di sana di ka iiyak-iyak ng gabaldeng luha,
Di ka sana nagmumukhang buwang.

Ngunit paano nga ba ibabangon ang sarili
Kung ang lahat ng umiikot sa paligid mo
Ay hindi mo maintindihan kahit na anong gawin
Kahit mahilo ka na sa kakaisip kung paano?

Palpak ka na naman, sablay na lang parati.
Kailan ka ba magbabago? Kapag wala na ang lahat?
Kapag wala ka nang magagawa para maisalba
ang lahat ng kailangan mong isalba?

Hala, tama na ang pagmumuni-muni,
Tama na ang pagtatanga-tangahan,
Tama na ang pagmumukmok.
Hala, gumalaw ka na.

Bago mawala ang lahat at mag-iiiyak ka na naman diyan.

← Older posts
Newer posts →

Social Network

Recent Comments

  • kilcher on t minus 2 weeks
  • meema on t minus 2 weeks
  • kilcher on Maybe Either, Maybe Neither, We Just Don’t Know
  • maytoio on Maybe Either, Maybe Neither, We Just Don’t Know
  • Andi on Desktop as of 2011.06.30

Calendar

June 2025
M T W T F S S
 1
2345678
9101112131415
16171819202122
23242526272829
30  
« Feb    

Proudly powered by WordPress Theme: Chateau by Ignacio Ricci.